Tuesday, December 3, 2013

Bakit Ulan? :(



    Patuloy ang pag-ulan nung araw na ‘yon kaya napagpasyahan ni nanay na hindi na kami makakapunta ng Jollibee. Sobrang nakaka-dismaya. Dapat kasi magcecelebrate kami ng birthday ko. Iyak ako nang iyak noon, sabay sabi sa sarili kong,
“Ayoko na talaga sa ulan…”
Bakit kailangan pang umulan? Bakit kung kailan birthday ko pa? Bakit kailangan naming pumasok sa school nang basa? Ayoko na talaga ng ulan! Pero sa tuwing tumitingin ako sa madilim na langit at naririnig ang dagundong ng kulog at kidlat, ramdam kong may Diyos.
“Kontrolado Niya ang mga ganitong bagay.”
May nararamdaman akong takot dahil tila ba nakaharap ako sa galit na Diyos. Hanggang ngayon, ‘di ko pa rin kayang titigan ang madilim na kalangitan tuwing umuulan.

Marahil, magaling lang talaga ako mag-masid at mabilis din ako maka-gets kaya kahit na lumaki ako sa lugar na wala masyadong mga libro at maayos na lugar upang makapagbasa, napadali pa rin ang pagkatuto ko sa mga bagay-bagay. Siyempre kasama ang tulong ng aking personal mentor, ang TV. Dati kase, maraming pa namang magagandang TV programs na kapupulutan ng aral. Kasama ng tulong nina Madonna at Michael Jackson na naging mga 'English tutors' ko, natuto akong mag-English habang sumasabay sa beat ng mga kanta nila.


Nakagawian na ng pamilya namin na mag-rosaryo at mag-dasal ng tatlong beses sa isang linggo pagkatapos mag-hapunan. Isa pang naging tradisyon sa amin ang panunuod ng balita at pagtapos ay ng National Basketball Game. Hindi man gaanong mayaman ang pamilya ko, masaya naman kami. Gayunpaman, may balitang nagbukas ng mata ko sa mga pangyayari sa labas ng mumunti naming tahanan, sa labas ng mumunti kong mundo -- ‘yon ay kung paano laging nasasalanta ng di lang ulan kundi mga bagyo ang Pilipinas. Alam kong dahil ito sa geography ng bansa, pero BAKIT? Bakit sa atin pa na tinaguriang Chistian country in Asia? Bakit sa amin na malakas ang pananampalataya sa Diyos at mga relihiyoso naman? Naalala ko tuloy ang parehong tanong ng tatay ko noong naghihirap siya sa sakit na cancer.
“Bakit sa atin pa? Hindi ba sapat na relihiyoso tayo? Bakit hinahayaan ng Diyos na mag-dusa ako nang ganito?”
Sinasabing matatatag at masiyahin ang mga Pilipino kaya kahit anong dumating na unos babangon sila’t magsisimulang muli. Namangha ang mundo kung paano pa nagagawang tumawa ng bayang to sa gitna ng kalamidad. Sa kabila ng kahirapan ng pamumuhay, sobrang unique ng pagcecelebrate natin ng pinakamahabang Pasko sa mundo. Nakakatawang pagmasdan ang mga malls na puno ng mga taong nagsho-shopping na parang mga milyonaryo tuwing Pasko.
Noong nakaraang buwan, nasalanta ang Pilipinas ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan. Makasaysayan ah! Pero wag mong sabihing dapat pa rin tayong maging proud dun noh! Makikita mo sa balita … delubyo at trahedya. Nagkalat ang mga bangkay at taong umiiyak dahil sa gutom at uhaw. Makikita mo ang mga dating matatatag na haligi ng tahanan na umiiyak dahil sa pagkawala ng kanilang mga asawa at anak; mga batang tumatangis dahil sa lamig at gutom. Diyos ko, bakit po? Bakit nangyayari ang mga bagay na ‘to? Hindi ba't kontrolado mo ang ulan? Hindi ba’t hawak mo maging ang aming buhay? Hindi nawa kami maging manhid at di nawa namin isawalang bahala ang mga pangyayaring ganito. Nawa’y marinig namin ang tinig mo. Ipagkaloob mo ang Iyong biyaya upang malaman namin ang Katotohanan.

***

Exodo 20: 4-5
 (4) "Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. (5) Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.   

Mga Gawa 16:31
Sumagot naman sila, "Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan."

Mga Taga-Roma 10:9
Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 

-Rt.Wenn Solayao